Sa wikang Pangasinan at Bicolano, ang salin ng salitang kasama ay “kaiba.”
“Kaiba.” KA at IBA.
Hindi ba’t nakakalito o malabo? Paano magiging kasama kung ito ay iba?
Marahil, ito rin ang kabalintunaan ng aming pangalan. Concordia, isang salitang Latin na ang salin ay harmony o harmonya.
Ang harmonya ay ang pagbubuklod ng iba’t ibang tunog upang makabuo ng iisang awit o melodya. Ang pagkakaiba ay ang mismong diwa ng harmonya o concordia. May harmonya at concordia dahil may mga boses na magkakaiba. Sa madaling sabi, may pagkakaisa dahil may pagkakaiba.
Gayunpaman, ang mga boses sa harmony ay simbolo lamang ng mas malalim na ibig sabihin. Ang boses o tunog ay tumutukoy sa mas malalim na pagkakaiba. Sa klaseng binubuo ng labing-siyam (19) na kalalakihan, ang bawat isa ay may natatanging ugali, kultura, tradisyon, at pagpapalaki sa pamilya.
Ito ay, sa halip, mas makalat.
Mas nakakalito.
At mas kumplikado.
Subalit dahil rin mismo rito,
ito ay nagiging mas makulay.
Mas maligalig.
Mas masigla.
At mas puno ng bunga.
Hindi ba’t ito rin ang kabalintunaan at misteryo ng Santisima Trinidad? Na ang Diyos ay tatlong Persona ngunit iisang Diyos. Ang pagmamahalan ng Diyos ay hindi isang bagay na static o nananatili lamang. Sa halip, ito ay dinamiko at buhay.
Kaya naman, ang concordia ay “kaiba” sapagkat kahit iba ka, ikaw ay aking kasama. Ang pagkakaiba ay hindi hadlang sa pagkakaisa; ito mismo ang katotohanan at esensya ng aming pagkakaisa.
Ika nga ni Cardinal Advincula, tapos na ang tanungan at sagutan. Oras na para magmahal. Oras na para maramdaman at isabuhay ang concordia.
Kung gayon, makikita na rin natin sa lente na ito ang isa pang nais sabihin ng pangalang Concordia. Lalo pang nagiging malalim ang kahulugan nito kapag hinati natin ito sa dalawang salita: ang con ay maaaring iugnay sa “may” o “kasama ang,” at ang cordia naman ay nangangahulugang “puso.” Kapag pinagsama, isang magandang kahulugan ang lumilitaw: Concordia, “may puso” o “kasama ang puso.”
Kalakip ng Concordia ang alaala ng aming samahan, pagkakaibigan, at kapatiran. Taglay ng Concordia ang pagsasabuhay nang may puso. Ang pusong ito ay hindi lamang kumakatawan sa aming sarili, kundi sa mismong puso ni Hesus.
Naging posible ang paglalakbay na ito dahil sa kaakit-akit na awit ng awa at pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng banayad na indayog ng Kanyang tawag, nagkaisa ang labing-siyam na puso bilang isa. Kaya naman, hindi na kataka-taka na ang pangalang ito ay nagkakaisang binoto bilang pangalan ng klase sa loob ng wala pang isang oras.
Tunay na Concordia.
Iba’t ibang boses,
Iba’t ibang lengguwahe,
subalit iisang awit,
iisang nais.
Magkakaibang puso,
pero iisang tinitibok.
Iba-iba,
pero hindi kanya-kanya.
Ito’y magkakaiba
at nagkakaisa.
Kasama. Kauban. Kaiba.
Ka-Iba.
Iba pero ’di nag-iisa.
Iba at aking kasama.
Ito ang Concordia.











Leave a comment