Ang Hapagkainan sa Aming Tahanan

Ni: Post. Gian Austin “Gi” Berdadero Ang bawat pamilya ay may kuwento, at ang bawat kuwento ay may punto. Bilang isang seminarista na nangangarap maging paring relihiyoso at misyonero, matagal akong binagabag ng katanungang:  Para sa iyo, ano nga ba ang tahanan? Upang masagot ito, nais ko munang isalaysay ang aking mga natutunan. Ang bawat…

Ni: Post. Gian Austin “Gi” Berdadero

Ang bawat pamilya ay may kuwento, at ang bawat kuwento ay may punto. Bilang isang seminarista na nangangarap maging paring relihiyoso at misyonero, matagal akong binagabag ng katanungang:  Para sa iyo, ano nga ba ang tahanan? Upang masagot ito, nais ko munang isalaysay ang aking mga natutunan.

Ang bawat tahanan ay may mga kasama, at ang bawat kasama ay may pinagdadaanan. Sa aming module, kami ay tinuruang magbalik-tanaw sa kasaysayan ng aming pamilya. Noong una, nalilito ako at nahihiya dahil hindi ko alam kung paano sisimulan ang aking kuwento. Sa katunayan, dalawa ang aking kinagisnang tahanan. Noong sanggol pa lamang ako, ipinamahala ako ng aking mga magulang sa aking Lolo at Lola, subalit lagi pa rin nila akong isinasama pabalik sa kanila. Dahil dito, hindi ko alam kung saan pagtatagpuin ang dalawang mundong ito.

Sa gitna ng kalituhan, isang bagay ang nagpakita sa akin ng tunay na diwa ng pakikisama—ang Lamesa. Sa wikang Espanyol, ang la mesa ay nangangahulugang ang lamesa, ngunit sa tunog nito, ipinapaalala nito sa atin ang Misa (The Mass). Sa Banal na Misa nagaganap ang pagkakaisa sa kabila ng ating mga pagkakaiba. Kahit magkakaiba ang ating pinagmulan, nagtitipon tayo sa iisang kuwento patungo sa iisang Pamilya. Nais ng Diyos na ituring nating hapagkainan ang Kanyang tahanan sa kalangitan sa pamamagitan ng Misa. Dito ko napagtanto na bagamat iisa lang ang aking puso, kaya nitong magmahal nang higit pa kung ito ay may purong intensyon.

Nalayo ako sa aking pamilya hindi upang masaktan, kundi upang may matutunan at maunawaan. Noong pumasok ako sa seminaryo, lalo akong napalayo sa aking dalawang tahanan. Habang itinuturing kong tahanan ang aking mga kaklase at kaibigan, napahinto ako sa mga mapanghamong tanong: Naging Kuya ka ng lahat, pero naging Kuya ka ba sa mga sarili mong kapatid? Naging maaalahanin at mapagmahal ka sa kapwa mo, nagawa mo na ba ‘yan sa sarili mo at sa pamilya mo?

Hindi ko maikakaila ang mga alaala ng hidwaan sa aming pamilya. Subalit unti-unti ko ring naalala ang mga sandaling naging iisang pamilya kami sa mga handaan at kasiyahan. Ayon nga sa aming tagapagsalita na si Padre Jong Biton, SVD: There is no perfect family. Ang katotohanang ito ang nagpalaya sa aking kalooban. Sa aking paglago sa seminaryo—sa mga parokya, kabundukan, paaralan, at mga apostolate areas—natutunan ko na patuloy pa rin akong patutuluyin ng aking dalawang tahanan.

Lumawak ang aking pananaw nang maunawaang ang bawat kapwa ay may bitbit na kuwento, at kalakip nito ang pamilyang nag-alaga, nagturo, at humubog sa kanilang mga puso. Hindi ko na ikinakaila o ikinahihiya ang aking pamilya. Ang aking dalawang tahanan ang nagbigay ng espasyo upang lumawak ang puso kong magmahal—hindi lang sa loob ng bahay, kundi maging sa mga taong nakakasalamuha ko sa loob at labas ng Simbahan. Ang pagbabalik-tanaw sa ating kasaysayan ay hindi kahinaan; ito ang nagpapakita ng pag-asa, pananampalataya, at pagmamahal.

Ang misteryo sa aking bawat paglisan pabalik sa seminaryo ay naging instrumento upang mapagtagpo ko ang aking pamilya sa aking panalangin at puso. Ang tahanan ay hindi lamang isang lugar ng pahingahan, kundi kung sino ang ating kapahingahan. Ang pamilya pa rin ang ating babalikan at paghuhugutan ng lakas, baon ang mga kuwento ng tawanan at iyakan. Ito ang simula ng paghilom.

Kahit ang Kristo ay may sinundang kasaysayan ng pamilya (genealogy), at kailanman ay hindi Siya nagsuot ng maskara upang itago ang Kanyang mga sugat sa mukha. Katulad ng ating pagtitipon sa Simbahan, tayong lahat ay nagiging iisang katawan—mga buhay na tahanang nagkakaisa sa iisang pagkakakilanlan. Nawa sa bawat Misa, patuloy nating pagsaluhan ang lahat ng saya, lungkot, lakas, at kahinaan. Walang perpektong pamilya, ngunit sa ating kwento, hinding-hindi natin maikakaila na mayroon tayong matatawag na pamilya.

Ngayon, nasagot ko na ang katanungan: MATAGAL NA AKONG MAY TAHANAN.

Tags:

Leave a comment