Post. Peter M. Madres
“Mayro’n din naman palang ganda ang buhay, puwede nang mangarap,” wika ni Lyca Gairanod. Paulit-ulit sa pandinig. Nakakaadik banggitin. Dahil sa nakakaaliw at ligalig na mga linyang ito, hindi natin masisisi kung sa aming klase dito sa postulancy ay nakapasok na rin ang mga katagang ito. Madidinig mo itong inaawit ng iba sa mga postulant nang may buong lakas at may halong sayaw mapa-dorm, dining hall, o hallway.
Ito ay minsan na ring pumasok sa aking meditation time. Nakaka-LSS. Nakakaadik. Subalit totoo. “May ganda ang buhay kaya’t maaari nang mangarap.” Dahil dito, nais kong busisiin ang mga linyang ito sa lente ng dalawang salita: mayroon at puwede. Dalawang salita na para sa akin ay konektado at magkadugtong.
“Mayro’n din naman palang ganda ang buhay, puwede nang mangarap.” Ang salitang mayroon at puwede sa kanta ay magkakonekta. Paano? Sapagkat masasabi lamang natin na puwede na kapag naintindihan natin na mayroon pala. Halimbawa, ang customer ay puwede nang umorder ng kanyang paboritong ulam kapag mayroon na ito sa listahan ng menu. Ang estudyanteng naiinip na sa kapapara ng dyip ay maaari lamang makauwi kapag mayroon nang bakanteng puwesto sa sasakyan. O kaya naman, ang mga nasa laylayan ng lipunan ay puwede at posible nang makaangat kapag mayroon nang gobyernong totoo at tapat. Puwede at mayroon—konektado at iisa.
“Mayroon din naman palang ganda ang buhay. Puwede nang mangarap.” Ang “pala” sa linya ay nagpapahiwatig ng pagkatanto o realization ng isang tao na mayroon din namang ganda ang buhay. Sa kabila ng pagod at hirap, napagtanto ng tao na mayroon pa rin itong gandang dala. “Mayroon din pala.” Ito ang repleksiyon ng pag-asa.
Ito ang paanyaya sa bawat isa na mayroong pag-asa sa bawat pagkakataon na tinitingnan natin ang ganda ng buhay.
Ang gandang ito ay nakalatay sa ating paligid: sa tao, sa kaibigan, sa pamilya, sa pagsubok, sa tuwa, at sa Diyos. Hanggat hindi natin napagtanto na “mayroon din palang ganda ang buhay,” mahihirapan tayong isipin na “puwede nang mangarap” o “puwede pang mangarap.”
Sapagkat kapag mayroon na, puwede na.
Subalit hangga’t wala pa, tiwala muna—sa Diyos at sa kapwa.
Matutong maghintay. Huwag mainip.
Tiwala lang at atin ding mapagdudugtong na puwede nang mangarap dahil mayroon din palang ganda ang buhay.
Kaya naman, salamat sa batang si Lyca Gairanod na nagpaalala sa atin na “Mayro’n din naman palang ganda ang buhay, puwede nang mangarap.”

Leave a comment