OO at HINDI

Pagninilay ni Post. Peter M. Madres

Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon 
Mateo 21:28-32

“Nakikita mo ba ang sarili mo bilang pari? Bilang isang SVD?” tanong ng aming Postulant Director sa akin.

Ako ay saglit na nawindang, nabagabag, at natigilan. Napadalawang isip sapagkat ayaw kong maging isang ningas-kugon. Isasagot ko ba ang matamis na OO o ang mapait na HINDI?

Ang salitang ningas-kugon ay tumutukoy sa taong hindi tumatapos ng kanyang nasimulang gawain—sa madaling sabi, “sa una lang magaling.” Tulad ito ng ikalawang anak sa Ebanghelyo na buong-pusong sumagot ng OO, subalit hindi kumilos. Kabaligtaran ito ng unang anak na sumagot ng HINDI ngunit nagbago ang isip at kalaunan ay sumunod sa kalooban ng kanilang ama. Ang pagbabagong ito ay matatawag na metanoia.

Ningas-kugon at metanoia—mga simbolo ng aking pangamba at pag-asa. Nangangamba na baka ningas-kugon lamang ang aking bokasyon, na baka hanggang salita lamang ako. Umaasa sa metanoia na sana araw-araw ay panibaguhin ng Diyos ang aking puso’t isipan.

“Opo, Padre. Nakikita ko ang sarili kong kasama ka sa altar, sa misa. Nais kong maging tulad mong pari at misyonero. Nais ko na balang araw ay matawag din kitang confrere.”

Ito ang aking sagot sa aming Postulant Director. Umaasa. Nagbabakasakali. Tinapangan kahit nangangamba. Um-oo kahit hindi sigurado.

Magbago man ang aking isipan, hindi na iyon ang titingnan. Ang mas mahalaga ay ang matiyak na ang aking sagot ay ayon sa plano ng Diyos para sa akin—ang bawat aksyon na aking gagawin pagkatapos kong sagutin ang tanong sa akin.

Sapagkat ang bawat sagot ay hindi dapat limitado sa salita, kundi nagmamarka sa bawat gawa. Ang sagot na “oo” at “mahal kita” ay mas nagiging matamis kung naipapakita at isinasagawa.

Tags:

Leave a comment